SUPPORT THIS WEBSITE BY SIGNING UP HERE
IT'S FREE!!!
Hindi maiwasang hindi mabanggit ang pangalan ni Phillip Salvador sa drug case ni Deborah Sun dahil magkamag-anak sila.
Pero may mga maling detalyeng nararapat ituwid.
Una, hindi kapatid ni Phillip si Deborah dahil ang dating aktres ay anak ng yumaong aktor at direktor na si Leroy Salvador.
Magkapatid sina Phillip at Leroy.
Sa madaling-salita, pamangkin ni Phillip, 66, si Deborah, 60.
Walang katotohanan ang mga wild imagination na si Phillip ang tutulong kay Deborah para makalaya ito sa kulungan dahil galit ang aktor sa mga taong gumagamit na ipinagbabawal na gamot.
Madaling-araw ng Linggo, September 8, nang maganap ang buy-bust operation sa condominium unit na pag-aari ni Ara Mina at tinitirhan ni Deborah at ng mga anak nito, kabilang si Jam Melendez na half-brother ni Aiko Melendez.
Mula noong Linggo hanggang ngayon, nakapiit pa rin si Deborah at ang tatlong akusado sa Station 8 ng Quezon City Police District sa Project 4, Quezon City.
Nang madakip si Deborah noong Linggo, si Phillip ang isa sa kanyang mga tinawagan at hiningan ng tulong para makalaya sila ng 45-year-old daughter niya.
Isa lang ang itinanong ni Phillip kay Deborah: "Totoo ba ang bintang sa 'yo?"
Mariin itong itinanggi ng former actress.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi pumapalya si Phillip sa pagbibigay ng financial help kay Deborah at sa mga anak nito.
Pero isa lang ang kundisyon na hiningi niya: huwag na huwag gagamit ng illegal drugs ang kanyang pamangkin.
Nang manindigan si Deborah kay Phillip na hindi siya gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at nadamay lamang siya, mismong ang aktor ang nagsabi sa arresting officers na isailalim sa drug test ang pamangkin niya at ang anak nito.
Nagbitaw ng salita si Phillip na kung negative ang resulta ng drug test kay Deborah, palayain ang kanyang pamangkin pero kailangang dumaan sa wastong proseso.
Pero kung positive ang resulta at may batas na nilabag, ipinauubaya ng aktor sa mga kinauukulan ang nararapat gawin.
Positive ang resulta ng drug test kay Deborah kaya hindi siya tutulungan ni Phillip na makalabas mula sa kulungan, taliwas sa maling akala na ipinipilit ng ibang mga tao.
Nevertheless, patuloy ang pagbibigay ni Phillip ng tulong sa mga anak ni Deborah na naiwan nito sa condominium unit na pag-aari ni Ara.
Sadly, patuloy sa pagpapainterbyu si Deborah mula sa kulungan niya.
Humihingi siya ng simpatiya at financial assistance sa ibang mga artista para makalaya.
Kasama sa panawagan ni Deborah ang pangakong kapag nakalaya siya, ang pagpapa-drug test ang unang gagawin niya para patunayan sa lahat na walang katotohanan ang bintang laban sa kanya.
Pero hindi ito totoo.
Kung katotohanan ang sinasabi ni Deborah, si Phillip ang unang-unang tutulong para makalaya siya.
Pero hindi nagsisinungaling ang resulta ng kopya ng drug test sa kanya at sa mga kapwa niya akusado.
Source: https://www.pep.ph