Inamin ng nadakip na suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa advertising executive na si Kristelle "Kae" Davantes na sinaksak niya ito sa katawan at leeg nang makitang humihinga pa matapos nilang sakalin gamit ang seat belt.
Iprinisenta sa media ng National Bureau Investigation (NBI) nitong Biyernes ng gabi ang nadakip na suspek na si Samuel Decimo, 19-anyos, residente ng Molino, Cavite.
Dinakip si Decimo matapos masangkot sa pagholdap sa isang jeepney sa Molino. Sa proseso ng imbestigasyon, natuklasan ang partisipasyon niya sa pagpatay kay Davantes, 25-anyos.
Natagpuan ang bangkay ni Davantes sa ilalim ng tulay sa Silang, Cavite noong Setyembre 7.
Sa awtopsiya, lumitaw na sinakal at limang ulit sinaksak sa katawan ang biktima.
Pinakamalubha ang saksak na tinamo nito sa leeg.