Saturday, September 21, 2013

Kae Davantes, nagmakaawa sa kaniyang buhay, ayon sa suspek


Inamin ng nadakip na suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa advertising executive na si Kristelle "Kae" Davantes na sinaksak niya ito sa katawan at leeg nang makitang humihinga pa matapos nilang sakalin gamit ang seat belt.


Iprinisenta sa media ng National Bureau Investigation (NBI) nitong Biyernes ng gabi ang nadakip na suspek na si Samuel Decimo, 19-anyos, residente ng Molino, Cavite.


Dinakip si Decimo matapos masangkot sa pagholdap sa isang jeepney sa Molino. Sa proseso ng imbestigasyon, natuklasan ang partisipasyon niya sa pagpatay kay Davantes, 25-anyos.

Natagpuan ang bangkay ni Davantes sa ilalim ng tulay sa Silang, Cavite noong Setyembre 7. Sa awtopsiya, lumitaw na sinakal at limang ulit sinaksak sa katawan ang biktima.

Pinakamalubha ang saksak na tinamo nito sa leeg.

Ayon kay Decimo, siya ang nautusang sumaksak kay Davantes at nasugatan ang kaniyang kamay nang gawin ito.

Inihayag din ng suspek na nagmakaawa si Davantes pero hindi nila ito pinakinggan ng kaniyang mga kasama.

Sinabi ni Decimo na napagpasyahan nilang patayin si Davantes dahil nakita nito ang kanilang mukha at ang plaka ng kanilang sasakyan.

Kwento ng suspek, nakasakay sila sa isang kotse kasama ang apat na iba pa nang makita nila si Davantes na nag-iisa habang nag-iikot sila sa subdibisyon sa Las PiƱas City kung saan nakatira ang biktima.

Nakapasok umano sila sa subdibisyon dahil may sticker din ng subdibisyon ang kanilang sinasakyan.

Nang bumaba umano si Davantes ng kotse para buksan ang kanilang gate, dito na nila tinutukan ng patalim ang biktima, isinakay uli sa kotse at ibiniyahe patungo sa Silang, Cavite.

Pagnanakaw umano ang unang pakay nila sa pagkuha kay Davantes na nauwi sa pagpatay.

Humingi ng patawad si Decimo sa pamilya ni Davantes at nangako itong tutulong para madakip ang iba pa niyang mga kasama sa krimen.

Source: gmanetwork.com

No comments:

Post a Comment