Coco Martin lambasts government over ABS-CBN shutdown: "Buti pa yung POGO, ipinaglalaban niyo!"
SUPPORT THIS WEBSITE BY SIGNING UP HERE
IT'S FREE!!!
Hindi napigilan ni Coco Martin na muling magbuhos ng galit dahil sa umano'y walang pusong panggigipit ng gobyerno sa ABS-CBN.
Lampas na raw siya sa punto na daanin sa diplomasya ang apela na ibalik sa Kapamilya network ang "tahanan" na basta na lang daw inagaw sa kanila.
Hindi lang daw para sa kapakanan ng mga artistang gaya niya, kundi higit lalo para sa 11,000 empleyado na pinakaapektado sa pagpapasara sa network.
"Hindi ito labanan ng diplomasya!
"Binarubal na tayo, e. Tinatarantado na tayo, e.
"Anong expect natin? Pagdadasal natin sila?
"Pinagdasal na natin sila! Tiniis na natin sila!
"Dapat kumilos tayo! Dapat magsalita tayo!
"Dapat lahat ng mga artista iparinig niyo kung anong nawala sa atin!
"Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig niyo!
Puno ng emosyon si Coco na napapahampas pa para igiit ang kanyang ipinupunto.
"Kasi kung mananahimik tayo, aabusuhin tayo!
"Para tayong batang kinotongan, at pagkatapos kapag nagkita kayo, anong expect natin?
"Kasi ito na yung pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho! Anong iniingatan natin?!
"Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa 'yo! Kahit patayin niyo pa ako!"
COCO: "ANO PO BANG NAGAWA NAMING MALI?"
Hindi raw maintindihan ni Coco kung paano umabot sa puntong ipasara ang buong istasyon.
"Gaano ba kasama iyong nangyari? Ano po bang nagawa naming mali?
"Ano bang nagawang mali ng kumpanya ko?"
Kung tutuusin daw ay handa ang ABS-CBN na harapin sa Kongreso kung ano man ang kinakailangan para mabigyan ng panibagong 25-year franchise ang network.
Nagtapos ang prangkisa ng Kapamilya network nitong May 4, 2020.
Una na rin daw sinagot ng ABS-CBN big bosses ang mga alegasyon laban sa ABS-CBN sa Senado, nang magkaroon ng hearing para sa franchise renewal ng network, noong February 24, 2020.
At base sa imbestigasyon ng Senado, ani Coco, lumabas na maaaring bigyan ng provisional authority na mag-operate ang ABS-CBN, habang hinihintay ang desisyon ng Kongreso sa prangkisa ng network.
Pero ipinasara pa rin daw ang ABS-CBN noong May 5, matapos mag-isyu ng Cease and Desist Order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na bibigyan nila ng provisional franchise ang ABS-CBN hanggang June 2022.
Ngunit nagbanta si Solicitor General Jose Calida na kakasuhan niya ang NTC officials kapag binigyan nila ng provisional authority ang ABS-CBN.
Nauna rito, noong Pebrero 2020, naghain ng quo warranto petition si Calida sa Supreme Court upang hilingin ang pagbawi sa legislative franchise ng ABS-CBN.
Ito ay dahil diumano sa nadiskubreng "highly abusive practices of ABS-CBN" sa operasyon nito.
Si Calida ang abugado at "alter ego" ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinaing ni Coco: "Kung ang kumpanya namin may ginawang kasamaan, kawalanghiyaan...
"Sa pamantayan sa aking buhay, alam niyo po, hindi ko luluninin kung anuman ang ipagagawa sa akin.
"Ako ang kauna-unahang tatanggi at makikipaglaban."
Nagsalita si Coco at iba pang Kapamilya stars sa #LabanKapamilya Facebook Live, na ipinalabas sa Facebook account ni Kim Chiu.
Ginanap ito mula 8:00 P.M. hanggang pasado 10:00 P.M. ng gabi, Biyernes, May 8.
Kasama sa balitaktakan sina Kim, Bela Padilla, John Prats, Agot Isidro, Cherry Pie Picache, at Judy Ann Santos.
Kabilang din sina Raymart Santiago, Michael de Mesa, at Rowell Santiago.
Naroon din ang ABS-CBN resident directors na sina Antoinette Jadaone at Dan Villegas.
Co-moderators sina Boy Abunda at Bianca Gonzalez.
At sumali rin si Kim Atienza para magbigay-linaw sa mga alegasyong ibinabato sa Kapamilya network.
FURIOUS AT THE "INJUSTICE" OF IT ALL
Hindi matanggap ni Coco na sa gitna na kinahaharap na health crisis ng bansa ay inuna pa raw ng pamahalaan na ipasara ang ABS-CBN.
Pahayag niya, "Anong klaseng tao 'to?
"Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna niyo pa isipin ang pagpapasara sa ABS-CBN kaysa tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating bansa?"
Hindi man lang daw inisip na malaki ang ambag ng mga artista pagdating sa binabayarang milyun-milyong buwis sa gobyerno kada taon.
Bukod pa rito ay nanguna raw ang ABS-CBN sa pagtulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.
Kusang loob daw na ang artista mismo ang nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan, kahit pa inilalagay sa bingit ng panganib ang sariling buhay.
Dahil itinuro raw ng ABS-CBN sa Kapamilya stars ang kahalagahan ng "serbisyo sa bayan."
Gigil na tanong ni Coco: "Bakit dumating ang pagkakataon na ito na kami ang isipin niyong tanggalin?
"Na sa panahon ngayon, ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa tao na yun?"
Paano raw nangyaring mas may malasakit pa umano ang gobyerno sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na ang mga empleyado ay panay banyaga.
"Ano po ang uunahin nating gawin? Tanggalin ang kumpanyang tumutulong sa ating kapwa? Sa lahat ng mga Pilipino?
"O iyong sugal na pinapasok sa ating bansa. Buti pa yung POGO, ipinaglalaban niyo!
"Itong kumpanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, pinasara niyo! Ano yun?!"
Giit pa ni Coco, dumagdag lang ang ABS-CBN sa problema ng bayan gayong wala naman daw kapasidad ang gobyerno na tustusan ang pangangailan ng taong-bayan.
"Tapos yung mga tao, tuwang-tuwa na nawalan ng trabaho ang 11,000 na tao?" ani Coco patungkol sa bashers ng ABS-CBN.
"O ngayon, kaming 11,000 na tao, anong mangyayari sa amin ngayon?
"Ngayon, kaming mga artista, paano namin tutulungan ang ibang pamilyang tinutulungan at binubuhay namin?"
Sa puntong ito ay tinabla ni Coco ang suhestiyon ni MalacaƱang spokesperson Harry Roque na mag-apply sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang ABS-CBN workers para sa ayuda.
Kaugnay ito ng one-time PHP5,000 cash aid mula sa DOLE para sa workers ng small and medium enterprises.
"Anong sabi ni Harry Roque, 'O, pumila kayo sa DOLE. Huwag kayo mag-alala, bibigyan namin kayo ng ayuda.'
"E, kung ang buong Pilipinas nga hindi niyo masuplayan ng ayuda! Pati kami, makikidagdag!" Read more at PEP
No comments:
Post a Comment